6.19.2010

Lés Miserables

I cradle you now
In the sleepless song of my mind,
Where your face keeps on lingering
Ablaze my poignant dreams.

A burning silence
Through my unspeakable thoughts
Inevitably, I can no longer clench
Leaving me in sweet surrender.

I love you now until tomorrow
Eventhough I dwell in such sorrow;
My heart beats in distress
Yearning forever for your caress.

Lavenders are my hushy whispers
To gather them all for you...
Shun the unmitigating melancholy
For I was aroused by your splendid beauty.

Let me hold you for the last time
Hoping not for a sad goodbye
That I may see you again
To heal this agonizing pain.

6.10.2010

Bisita

Boring. Ito ang paglalarawan ni Marco sa bakasyon niya sa San Miguel, isang barrio sa Iloilo.


Unang pagkakataon iyon ng binata na lumabas sa kahon ng Maynila, kaya hinahanap-hanap pa rin niya ang ingay at tanawin ng lungsod - lalo na ang eksena ng mga naggagandahang mga babae habang sumasayaw sa entablado.

"Tol, wala ba talagang night club dito?" tanong ni Marco sa pinsang si Dondi. Kinse anyos ang edad nito.

Halatang praning na siya sa katahimikan ng lugar.

"Wala talaga 'insan. Hindi naman kasi mahilig sa ganoong kasayahan ang mga tao rito."

"Mababato ako rito." reklamo niya. Marahas na inikot niya ang manibela at pinaharurot ang kotse.

Napakapit si Dondi na hindi na nakuhang mabigla dahil sa bilis ng pagkambiyo niya. Pagdaka'y biglang nagpreno si Marco.

"Pinsan naman!" hindi matawaran ang nerbiyos ni Dondi. "Nagpapakamatay ka ba?"

"Tol, kumapit ka." nakangising wika niya.

"Bakit, a-ano ang gagawin mo?" kabisado niya ang trip ng bituka ni Marco kaya kinutuban na naman siya.

Imbes na sumagot ay todong inapakan ni Marco ang silinyador. Pinaharurot ng binata ang sasakyan. Napakapit na naman si Dondi. Abut-abot ang kaba niyang hindi makatingin sa daan. Gumuhit ang matinis na ingay sa katahimikan ng gabi dulot ng pagkiskisan ng mga gulong sa mabato at maalikabok na lupa.

Pinagsabihan ni Dondi ang pinsan na nakakabulahaw sila ng mga kalapitbahay. Pero tila walang narinig si Marco. Nag-e-enjoy siya sa ginagawa niya. Mabuti na lamang at walang malas na tao ang napapadaan. Kung meron ay tiyak na masasagasaan talaga.

Itinigil ni Marco ang sasakyan. Naghuhumiyaw siya sa galak na tila ba nanalo sa isang karera. Panay pa ang busina niyang hindi alintana na nakakaistorbo siya. Tumigil lamang ang binata nang magsawa.

Walang magawa si Dondi. Hindi naman niya pwedeng pagalitan ang pinsan dahil mas matanda ito ng apat na taon sa kanya.

Mabagal ang pagpapatakbo ni Marco sa kotse nang tinunton na nila ang daan pabalik. Mukhang napagod ito sa ginawa. At lihim na ikinasiya iyon ni Dondi.

Nang mapadaan sila sa tapat ng isang kubo ay muli na namang tinopak si Marco. Nagbusina ito ng pagkalakas-lakas. Nagulantang si Dondi sa inasal ng pinsan. Napamura na siya.

"Ano ba 'yan 'insan? Itigil mo na nga 'yan!"

Natawa si Marco at pinaharurot ang sasakyan.

"Lagot tayo," hindi mapakali si Dondi. Papasok na sila ng bahay matapos iparada sa bakuran ang kotse ni Marco. "Alam mo bang usap-usapan dito na aswang ang nagmamay-ari ng kubong iyon?"

"Ano'ng kubo?" nagmamaang-maangang saad ni Marco. Nakangisi itong parang aso.

"Ang kubong binulahaw mo."

"Ah, 'yon ba? Sus, wala 'yon! Nakita mo naman hindi ba? Walang ilaw. Ibig sabihin walang o-ats. Saka ano'ng aswang?" natawa ang binata. "Hindi na uso iyon."

Hindi na nagsalita pa si Dondi. Alam niyang hindi naman siya pakikinggan nito. Pero hindi niya maiwasan ang matakot para rito.

Kinabukasan pa darating mula sa bayan ang mga magulang ni Dondi, may pwesto sila doon ng tindahan ng mga gulay. Kaya ito na lamang ang nagluto ng hapunan. Sinabawang bangus na may sitaw ang ulam nila. Nabusog sila ng husto. Matagal silang nagkakuwentuhan bago tuluyang matulog na.

Dalawa ang kuwarto sa bahay pero nagpasya si Marco na sa iisang silid na lamang sila mahihiga. Dalawa naman doon ang katre, bale 'yong isa ay sa kapatid ni Dondi na nagtatrabaho sa Quezon City pero madalang na makauwi.

Alas diyes na sila natulog. Pero nagising si Marco pagdatal ng hatinggabi. Nakaramdam kasi siya ng pagkaalinsangan ng panahon. Ipinagtaka niya iyon dahil malamig kanina ang simoy ng hangin. Sinulyapan niya ang pinsan. Mahimbing ang tulog nito. Naiiling na tinungo niya ang bintana para buksan iyon upang makapasok ang hangin. Dumampi sa mukha niya ang sinag ng bilog na buwan. Bahagya itong nakakubli sa makapal na ulap. Napangiti si Marco.

Masarap sa pakiramdam ang haplos ng hangin-probinsya. Bumalik siya sa higaan. Pero bigla ay nakadama siya ng hindi maipaliwanag na kaba. Iyon bang pakiramdam na may mga matang nagmamasid sa kanya.

Sinuyod niya ng tingin ang kadiliman ng kuwarto. Sa isang sulok ay may nahagip ang kanyang mga mata. Pero nang kumurap siya ay bigla iyon nawala.

Kunot-noo si Marco. Hindi siya maaring magkamali. Mabilis man ay alam niyang binti ng tao ang nahagilap ng mga mata niya.

Sinakluban siya ng matinding takot. Sumagi sa kanya ang sinabi ng pinsan niya tungkol sa aswang daw sa kubong kanyang pineste. Subalit dahil hindi naman talaga siya naniniwala sa mga maligno, aswang o anupaman na may koneksyon doon ay ipinagkibit-balikat na lamang niya ang lahat. Para sa kanya, namamalikmata lang siya. Isang kalokohan ang maniwala sa mga aswang.

Pinilit ni Marco ang makatulog. Paiba-iba siya ng posisyon sa higaan ngunit hindi na siya dinalaw ng antok. Ipinikit na lamang niya ang mga mata at nagtalukbong ng kumot. Ewan niya kung bakit niya ginawa iyon. Marahil sa hangin na biglang lumamig.

Ilang saglit lang nang may maramdaman siyang parang may gumagalaw sa paanan ng katreng hinihigaan niya. Napaisip si Marco. Nakiramdam siya sa paligid. Kung si Dondi iyon ay tiyak na magsasalita ito. Paano kung magnanakaw? Marunong siya sa karate kaya mapapalaban kung sino man an magtangkang papasok sa kuwarto.

Naghintay si Marco. Malalaman niyang may tao dahil maaaninag niya ang anino nito sa tulong ng sinag ng buwan na lumulusot sa bintana. Hindi nga siya nagkamali. Isang anino ang dumaan. Mabilis siyang lumabas ng kumot at bakas sa kilos niya ang kahandaan sa anumang panganib. Pero wala siyang nagisnang tao. At wala na rin si Dondi sa higaan nito.

"Dondi?" tawag niya sa pinsan.

May napansin siyang pigura sa isang sulok. Napalunok siya. Mataas iyon at malaki ang bulto ng katawan. Hindi niya makita ang kabuuan nito dahil nagtatago sa dilim. Alam niyang hindi iyon si Dondi dahil maliit at payatot ito.

"Sino ka?" tanong niya habang hinuhugot ang penlight sa bulsa niya.

Walang sagot. Iniumang ni Marco ang penlight sa "bisita" pero mabilis ang galaw nito. Binigwasan nito ang kamay niyang may hawak ng penlight. Pumalahaw ang binata sa sakit nang bumaon ang matatalim na kuko nito sa kanyang braso. Nabitawan niya ang penlight. Sa lakas ng kaharap ay napasubsob siya sa sahig. Kasunod niyon ay narinig niya ang paglangitngit ng sahig na gawa sa kawayan, pahiwatig na lumalapit sa ito sa kanya.

Pinilit na tumayo ni Marco. Gusto niyang tumakas dahil batid niyang hindi tao ang katunggali niya. Nagsitakasan ang lahat ng tapang niya. Gumapang siya at inapuhap ang pinto. Pero bago nhya magawang buksan iyon ay sinunggaban na siya nito mula sa likod. Binuhat siya nito at ibinalya sa dingding. Dahil gawa sa manipis na sawali ay bumigay ang dingding nang tumilapon siya rito. Nanlalatang hindi makabangon si Marco.

Sa sinag ng buwan, napagmasdan niya ang isang nilalang na kahit sa panaginip ay hindi niya nanaisin na makita. Mistula itong higante sa harap niya. Itim ang kulay ng kabuuan nito at malangis. Mahaba ang puting buhok na halos sumayad na sa lupa. Puti ang kulay ng mga mata nito at ang mukha ay hawig sa isang paniki na may matatalim na pangil.

Nais sumigaw ni Marco pero walang tinig na lumalabas sa bibig niya. Sinakluban siya ng kilabot na hindi pa niya naramdaman sa buong buhay niya. Tila papanawan siya ng ulirat. Akmang dadamputin na siya ng "bisita" nang matigilan ito. Sa isang iglap ay nawala ito sa paningin niya. Bago naging itim na bilog ang mundo para kay Marco ay nakita niya ang pagdating ni Dondi na puno ng pag-alala at takot sa mukha.

Dilat ang mga mata ni Marco habang nakahiga sa katre. Wala itong imik. Bakas pa rin ang matinding kilabot ng nagdaang gabi sa mukha nito. Pinupunasan ni Dondi ang sugat nito sa braso gamit ang bimpong inilubog sa maligamgam na tubig. Nakakarimarim ang tanawing iyon. Nanginginig ang buo niyang katawan habang pinagmamasdan ang sugat. Matapos linisin ay binendahan na agad iyon ni Dondi. Sinisisi niya ang sarili sa sinapit ng pinsan. Kung hindi lang sana niya ito iniwan mag-isa para kunin ang baka sa bukid na nakalimutan niya gawin, malamang hindi madidisgrasya si Marco. Naiisip pa lamang niya ang pakikipaghamok ng pinsan sa aswang ay kinikilabutan na siya.

Paano niya ipapaliwanag ang lahat sa mga magulang niya at sa mga magulang ni Marco? Maniniwala naman kaya ang tiyuhin at tiyahin niya na aswang ang nakalaban ng anak nila?

Napalis ang pag-iisip ni Dondi nang dumating ang kanyang mga magulang. Nagtanong agad ang mga ito nang makita ang sitwasyon ni Marco. Isinalaysay niya ang lahat - mula sa pambubulahaw nila kagabi hanggang sa mga posibilidad na naisip niya.

Hindi makapaniwala ang dalawang may edad sa mga narinig.

"Bakit hindi mo pinagsabihan ang pinsan mo? Batid mo ang pagkatao ni Sineng!"

Si Sineng ang matandang lalaki na nakatira sa kubong inistorbo nila.

"Ginalit niyo siya kaya naghiganti!" napapailing na wika ng ama niya. "Dadalhin natin siya kay Ka Andres. Para magamot." Pagdaka’y wika nito.

Tumayo ang ama niya at may hinugot sa bulsa nito. Isang penlight. "Sabihin mo kay Marco, ibinalik ni Sineng."

Kinuha iyon ni Dondi sa ama. Kilala niya ang penlight na iyon. Pagmamay-ari nga iyon ni Marco. Napalunok si Dondi.

6.02.2010

PILIPINAS: Sa Kuko ng Bubble Gum

'Wag ka nang magtanong kung may kuko nga ang bubble gum o wala. Di ko rin alam. Gabi na at dapat tulog na ako sa ganitong oras. Pero 'di ko alam kung bakit. Binabagabag ako ng isang... Actually wala naman. Grabe lang ang buhos ng mga alaala. Gusto ko lang na gising ako.

Malapit na nga pala ang araw ng kalokohan este kalayaan.

Pero sigurado ba talaga tayong naging malaya tayo nung araw na 'yon? Baka naman ginago lang tayo ng mga kano at kunwari ay iniligtas tayo sa pagiging alipin pero ang totoo ay may nangyaring...

Napakakulay pala talaga ng ating kasaysayan. At walang kasing tamis ang maging malaya. Parang bubble gum. But are we really free?

Para sa akin hindi. Tingnan mo ang kawalanghiyaan ng kasalukuyang administrasyon, di ba parang bumalik ang martial law? At parang lumala pa. Nauna pa ang 2nd coming ni Taning kaysa sa kay Jes..

Pilipinas, kahit pangalan mo ay nagpapaalala na minsan kang naging alila ng mga putrags na mga kastila.
Minsan ka nang binuwisan ng buhay ni Rizal. Ipinagtanggol ka ni Bonifacio. Lumaban para sa'yo sina Diego at Gabriela. Nakalimutan mo na ba?

Nagbuwis ng buhay si Ninoy para lang muli ka sanang ibangon mula sa kasuwapangan nina Imelda at Ferds. Nakibaka para sa'yo ang dekada otsenta. Pero ano'ng ginawa mo? Di ka pa rin natuto.

Mulat mo mata mo Pilipinas.

Malapit na ang araw ng kalayaan. Bakit 'di mo 'to muling ipaglaban? Simulan mo sa sarili mo. Papalubog na ang barko, 'wag mo nang dagdagan ang bigat na dala nito. Walang mangyayari kung puro ka lang salita. Panahon na para gumawa.

Para naman makatikim tayo ng mas matamis na bubble gum.

Senti

Isang lingon, walang tugon
Pag-ibig na pilit ibinabaon
Sa bawat tibok ng puso
Luha'y sumasabay sa pag-ambon.

Nais kong mahagkan ka
Ngunit tadhana'y mapangbalewala
Ang lapit-lapit mo na
Di ko pa rin maipadama.

Sabog na ang utak sa kakaisip sa'yo
Walang lunas ang isang baso
Tuluy-tuloy lang sa paninimdim
Kailan mo ako lilingunin?

Nababato na sa takbo ng buhay
Mahirap pa rin ang sumabay
Kumakatok sa mundo mo
Aasa na lang ba ako?

Salamin sa harapan
Pait ang siyang inilalarawan
Naririnig mo ba?
Isinisigaw na ang 'yong pangalan.

Puso ay patuloy na aasa
Kahit alam kong wala na
Tawagin mo na akong tanga
Mahal pa rin kita.