Sa pagpatak ng ulan, sa pag ihip ng malamig na hangin, at sa pagsipol ng alas siyete ng gabi, nagbanta ang isang paglaya.
Paglaya sa ano? Isang tanong na agad mong maiisip. Huli ka, isipang palaisip!
Matagal bago ako namulat sa katotohanan. Kaytagal kong nakulong sa isang mundong walang dulo. Sa kwartong walang pintuan. Kung saan walang liwanag na maaring manahan dahil pinaghaharian ng dominanteng kadiliman.
Sakaling hindi mo na kayang maghintay pa, akin nang isusulat sa mukha ng blankong papel ang inaasam- asam mong kasagutan. Upang magkaroon ng laman ang basong said sa buhay.
Paglaya – isang salitang puno ng damdamin. Isang realidad na aangkinin ng isang pusong nakakulong sa malamig na pag-ibig.
Tulad ko.
Siya , tawagin na lamang nating “Siya” ang babaeng puno’t dulo ng usapang ito, Siya, Siya at Siya. Maganda siya. Mabait. Isang babaeng hahangarin ng isang lalake. Sa simpleng salita- pangarap. Pero paano nga ba magtatagal ang isang pusong walang nadarama? Mahal niya ako pero hindi ko ito kayang tapatan. Dahil walang tibok para sa kanya. Matagal – apat na buwan at labimpitong araw- bago niya ako tinalikuran. Dahil malamang nasaid na ang pag-asa sa paghihintay niya sa akin sa waiting shed ng pag-ibig.
Sabihin mo nga kung hangal ba ako dahil nandoon na pero pinakawalan ko pa? Bakit, bakit at isang malaking bakit kung bakit ko nga ba siya hindi kayang mahalin. Sagot ko – natuturuan ba ang puso? Hindi. Dahil hindi natin hawak ang tibok ng bawat pagdaloy nito.Hindi ko sinasadya. Patawad.
Paglaya – isang salitang may kaakibat na sakit. May bahid ng isang masalimuot na pag-ibig.