8.25.2013

Sulat Para Kay Pilipinas



Kumusta ka na?
Balita ko nahihirapan ka,
Patawad wala akong magawa.
Hindi ko man lang mapahiran ang ‘yong mga luha.

Minsan kitang tinalikuran
Nabulag sa tingkad ng kanluran;
Iniwan kang sugatan at nagdurusa
Sa giyerang ako din ang may likha.

Damdamin mo ay aking sinaktan
Ipinagpalit ka sa sariling kadakilaan
Naging palalo sa kalayaang tinatamasa
Hinayaan ka sa putik ng karahasan.

Ikaw ngayon ay tila laruan
Pinapaikot sa palad ng mga dayuhan;
Ngunit ang mas masakit na katotohanan
Ang minsan mong inaruga
Sayo ngayon ay lumalapastangan.

Minahal mo ako at hindi pinabayaan
Sukli ko ay walang habas na pagbabalewala;
Ipinagkanulo ang iyong kagandahan
Hanggang kailan kita matitiis?

Patawad aking sinisinta
Sa mga kamay ko nalugmok ka
Paano ko mababawi ang iyong dangal?
Patawad Pilipinas kong mahal!

-Juan De la Cruz

8.11.2013

SALAMIN: A PHYSICAL WORLD

Kaya nga naimbento ang salamin para makita mo ang katotohanan.

Totoo, mas mahalaga pa rin ang ugali at karakter ng isang tao. Pero aminin mo man o hindi napakahalagang sangkap ang personalidad o ang nakikita ng mga mata--ang mukha mo.

We are living in a physical world. Lahat ng nakikita ng mga mata mo ay nagiging katotohanan mo. Ito ang bubuo sa mundo mo. Ito ang aangkin sa pagkatao mo. Huhulmahin ng nakikita mo ang magiging takbo ng utak mo. Huhubugin nito ang pananaw mo.

Wag kang plastik. Wag kang ipokrito. Aminin mo, hinuhusgahan mo ang tao batay sa kung ano ang nakikita mo sa kanya. Nawawalan ka ng gana kapag kamukha ni hunchback of Notre Dame ang kaharap mo at bumabait ka kapag kamukha ni Marian Rivera o Sam Pinto o Brad Pitt o Dingdong Dantes, o ako, ang nasa harap mo. (wag mong isiping joke lang ang huli. Grabe ka.)

Pagdating sa usapang bf/gf, di maiwasang ang kagandahang pisikal ang pinaka-factor kung bakit tayo naa-attract. Wag mong sabihing dahil 'yon sa siya ay tumutulong sa matandang dumaraan sa kalsada, na hindi ko maintindihan kung bakit iyon ang batayan ng kabutihan eh No Jaywalking d'yan.

Ang paniniwalang "Character is better than a pretty face..." --(meron ba nito?)--ay isang mahabang proseso. Oo, tama, korek! Mas mahalaga pa rin ang attitude kaysa sa looks. Pero kung iisipin mo, hindi naman pwedeng kapag nagkasalubong tayo sa daan ay papansinin kita kahit na kamukha mo ang arroz caldo na tinda ni aling bebang diyan sa may kanto.
Hindi ko sinasabing ito ang dapat. Mali ito talaga. Pero tanggapin mo man o hindi, ito ang sistemang patuloy mong niyayakap. Hindi dahil sa wala kang magawa o wala kang choice, kundi dahil ikaw mismo ganito mo pinapatakbo ang mundo. Ganito mo pinipinta ang larawan ng tinutuntungan mo. Ganito mo isinusulat ang kwento mo. Ito ang gusto mong ending sa storya mo.

Ito ang gusto mo.

Kung bibigyan kita ng regalo sa birthday mo, gugustuhin mo ba ang cellphone na wasak ang keypad ang matatanggap mo mula sa akin? O baka talikuran mo lang ako dahil gusto mo Galaxy Note? (Ambisyoso ka. Bigwasan kita d'yan eh!)

Hindi 'di ba?

Normal lang 'yan. Natural. Dahil ipinanganak kang may isip na bumbalanse ng pagkatao mo. Hindi mo sinasadya ang maging ganoon, (pero may mga tao talagang ang sarap gilitan sa windpipe kung makapanghusga!) dahil matalino ka. Binigyan ka ng utak para malaman ang pagkakaiba ng pula sa puti, ang kulangot sa pasas, ang katawang pang fhm sa pang-fiesta, o ang heartshape na face sa mukhang ruler.

Tinitimbang mo ang taong gusto mong papasukin o hindi sa buhay mo. Ikaw, magtitiwala ka ba sa mukhang kahawig ni Gollum o sa kamukha namin ni Edward Cullen?

Walang masama sa pagtingin sa pisikal na katangian ng isang tao. Ang mali ay gawing batayan ito kung dapat bang bigyan mo ng respeto o itatakwil mo. Hindi tinitimbang ang tao sa pamamagitan ng anyo nito, tinitimbang ito sa bigat ng kakayahan ng puso nitong maging mabuting nilalang.

Huwag kang manghusga sa pagmumukha. Dahil kadalasan, sa likod ng mala-anghel na personalidad, nakatago ang mabangis na halimaw na nanlalapa. 

8.08.2013

DIVIDED PHILIPPINES: A Viewpoint of Labor Force

Ilang beses pa ba kailangang pukpukin ang gobyerno para malaman nila na ang Mining ay isang napakapeligrosong uri ng industriya? Ilang buhay pa ba ang dapat masawi para magising sa katotohanan ang rehimeng Aquino?

Noong Agosto 4, 2013, dalawang Kabataang Manggagawa ang namatay sa Camarines Norte sa Tumbaga habang nagtatrabaho sa minahan (small scale mining). Sina Aldrin Paladin at Joseph Basanta. Mga kabataang nagnanais lamang na kumita upang mairaos ang pangangailangan sa araw-araw. Mga pangangailangang hindi mibigay ng sistemang umiiral ngayon.

Naalala ko ang isang bahagi ng Speech ni Ninoy Aquino na hindi man lang niya naiparating dahil bago pa man siya nakababa sa eroplano ay pinatay na siya sa utos ni Imelda at sa pakana ni General Ver:

"Subversion stems from economic, social, and political causes and will not be solved by purely military solution: It can be curbed not with ever increasing repression but with a more equitable distribution of wealth, more democracy and more freedom.

For the economy to get going once again, the working man must be given his just and rightful share or his labor, and to the owners and managers must be restored the hope where there is so must uncertainty if not despair."

Saludo ako kay Senator Ninoy dahil sa pagmamahal niya sa mga manggagawa. Pero mali nga ba ang kasabihang "Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga"?

Hindi maikakailang ang gobyerno ni PNoy ngayon ay tinaguriang "Anti-Workers" dahil sa mga batas na ipinapasa nitong kumikitil sa mga karapatan ng mga Pilipinong Manggagawa. Imbes na wasakin ang Kontraktwalisasyon na nagpapahirap dahil sa kawalan ng kasiguraduhan sa trabaho ay inilabas pa ang DO-18A na lalong nag-promote nito; ang two-tiered wage system kung saan mas mababa pa sa kasalukuyang minimum wage ang makukuha ng mga manggagawa; at higit sa lahat, nakabinbin pa sa Kongreso ang P125 dagdad sahod na halos ilang taon nang isinisigaw ng mga nasa lakas-paggawa. Ang pinakamasakit ay ang kalagayan ng nasa Agrarian. Nasaan ang Reporma sa Lupa?

Kailan maririning at maisasapuso ng Rehimeng Aquino ang mga katagang "Filipinos are worth dying for"?

Hindi pa naman huli ang lahat. Malaki pa rin ang tiwala ko sa Gobyernong Aquino kumpara sa dating Ninang kong nagpumilit sa Korte Suprema na magpa-hospital arrest na lang.

Sa pagbabago, hindi dapat naisasakripisyo ang mga karapatan ng tao.

"We do not have to destroy in order to build."
Kung buhay lang sana si Ninoy....