Kumusta ka na?
Balita ko nahihirapan ka,
Patawad wala akong magawa.
Hindi ko man lang mapahiran ang ‘yong mga luha.
Minsan kitang tinalikuran
Nabulag sa tingkad ng kanluran;
Iniwan kang sugatan at nagdurusa
Sa giyerang ako din ang may likha.
Damdamin mo ay aking sinaktan
Ipinagpalit ka sa sariling kadakilaan
Naging palalo sa kalayaang tinatamasa
Hinayaan ka sa putik ng karahasan.
Ikaw ngayon ay tila laruan
Pinapaikot sa palad ng mga dayuhan;
Ngunit ang mas masakit na katotohanan
Ang minsan mong inaruga
Sayo ngayon ay lumalapastangan.
Minahal mo ako at hindi pinabayaan
Sukli ko ay walang habas na pagbabalewala;
Ipinagkanulo ang iyong kagandahan
Hanggang kailan kita matitiis?
Patawad aking sinisinta
Sa mga kamay ko nalugmok ka
Paano ko mababawi ang iyong dangal?
Patawad Pilipinas kong mahal!
-Juan De la Cruz
No comments:
Post a Comment
Say something
Note: Only a member of this blog may post a comment.